top of page
Search

Mga Alamat na Isinatula: Isang Inobasyon sa Pagtuturo sa Elementarya

ROMEO R. AGUSTIN JR.




Ano ang isang alamat?


Nais maipaliwanag ng mga matatanda ang mga bagay-bagay sa paligid nila. Ngunit noong panahon na ang agham ay bago pa lamang, hindi pa maipaliwanag ng ating mga ninuno ang mga ito sa mga bata. Kaya gumawa sila ng mga kuwento upang maging batayan ng mga bagay-bagay na hindi nila maipaliwanag pa.


Ayong sa isang artikulo, ang alamat o folklore sa wikang Ingles ay isang uri ng panitikan na nagsasalaysay ng pinagmulan ng mga bagay-bagay sa ating kapaligiran.


Napakaraming mga alamat ang nabuo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ang iba pa nga dito ay naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Ang ilan sa mga alamat diumano ay totoo, ang iba naman daw ay hindi. Kung ano pa man ang tunay, ang imahinasyon na lamang ng mga tao ang makakabigay ng sagot dito.


Sa paglipas ng maraming panahon, ang mga kuwento ay nagpasalin-salin, ang ibang detalye ay nawala, ang ibang pangalan ay napalitan upang mas magustuhan at maintindihan ng mga mambabasa, at ang iba ay dinagdagan na lamang ng mga pangyayari upang maging mas maganda at tumugma sa paraan ng pagsasalaysay sa makabagong panahon.

Ang mga alamat, makalipas ang maraming panahon, ay patuloy pa ring binabasa, pinapanood, at pinakikinggan ng mga tao sa iba’tibang pagkakataon at lugar – pati na rin sa mga paaralan.


Ang aklat na ito ay isinulat upang bigyan ng panibagong kulay ang mga alamat. Ang mga ito ay batay sa panulat ng iba’t iang may-akda. Ginamit ang kanilang mga isinulat, isinalin, at saka isinatula.


Maaring gamitin ang aklat na ito sa loob ng isang School Year. Hahati-hatiin ang mga kuwento batay sa nais ipasok na mabubuting-asal sa mga mag-aaral.


Ang aklat na ito ay batay sa Core Values ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) – ang pagiging Maka-Diyos, makakalikasan, makatao, at makabansa.


Para sa mga guro, basahing may buhay at kung maaari ay gumamit ng malikhaing costumes at mga props upang mabigyan ng saysay ang mga alamat.


Para sa mga mag-aaral, making mabuti sa inyong mga guro upang mas maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga alamat ng inyong mapapakinggan o mababasa.

Unang Core Values

Maka-Diyos



Ang mga alamat na inyong mababasa ay may kinalaman sa pagiging maka-Diyos ng mga sinaunang Pilipino. Ang pagiging maka-Diyos ay likas na sa atin. Kaya ang kabutihang-loob, magaganadang-asal at mabubuting gawa ay natural na ating Pilipino bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating bansa.

Ang Alamat ng Lansones ay nagpapakita ng paniniwala sa Mahal na Birheng Maria, at ang wagas na pagtitiwala sa Diyos. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na ito, makikita kung paano ang isang nakamamatay na pagkain noon ay nawalan ng lason.


Ang Alamat ng Rosas ay nagpapakita ng kabuluhan ng isang tunay na pagmamahal (Agape). Na ito ay hindi makikita sa anumang uri ng pag-ibig sa lupa kundi sa Diyos na dakila lamang. Makikita ng mga mambabasa kung paano dapat mas magtiwala ang isang tao sa Diyos kaysa sa anumang pag-ibig – lalo na kung ito ay huwad.


Ang Alamat ng Butiki ay nagpapakita ng pagmamahal ng isang ina sa anak (Philia) at ng isang tao sa iba (Eros). Kung paano kayang alipinin ng pag-ibig ang isang tao at “hamakin” ang anumang bagay, makuha lamang ito. Makikita sa alamat na ito kung paano gumagalaw ang iba’t ibang uri ng damdaming nabanggit sa mundo. Kung gaano kahalaga ang pananalangin, pagtitiwala sa Diyos, pagmamahal ng magulang, pagpapatawad, at higit sa lahat ang pag-iisip ng maka-isang-libong beses bago magpadalaya sa nararamdaman.

Ang Alamat ng mga Hayop ay karugtong ng Alamat ng Butiki. Gusto maipaliwanag ng mga sinaunang manunulat kung paano nagsimula ang mga butiki. Sa alamat na ito, pinakikita na ang pagsisisi ay laging nasa huli.


Ang Alamat ng Ampalaya ay nagpapakita ng pagiging kontento sa buhay at ang pag-aangkin ng hindi sa kaniya ay isang masamang bagay. Nais maipakita ng alamat na ito kung paano maging masaya sa sariling kalakasan at katangian, paano gamitin ang mga ito sa mabuti, at higit sa lahat itinuturo ng alamat na ito na ang lahat ng bagay – mabuti o masama ay mayroong kabayaran.


Ang bahaging ito ay matatapos sa paglalahad ng Alamat ng Ahas. Makikita naman sa alamat na ito kung paano ipinapaliwanag ng mga sinaunang tao kung paano nagkaroon ng ahas. Nguni tang mas mahalaga dito ay ang mga aral na inyong matutunan – na, hindi lamang dapat gamitin ang mga kalakasan at katangian sa masama kundi sa mabuti lamang. Tulad ng sa alamat ng ampalaya, ang anumang bagay na ginawa – mabuti o masama – ay mayroong nakaabang na kabayaran.

Halina at makinig sa inyong guro!


Ikalawang Core Values

Maka-kalikasan



Sa ikalawang bahagi ng aklat na ito, ang mga alamat na inyong mababasa ay may kinalaman naman sa pagiging maka-kalikasam ng mga sinaunang Pilipino. Ang pagiging maka-makalikasan ay likas rin sa ating mga Pilipino. Biniyayaan an gating bansa ng mahigit sa 7 libong isla – bawat isa ay may angking ganda at likas na yaman. Kung kaya’t noon pa mang sinaunang panahon, bago pa man ang mga Kastila, ang mga taga-ibang isla, Tsino, Arabo at taga-India ay nakikipagkalakalan na ating bansa – mga seda kapalit ng ginto, mga perlas lapalit ng banga, at marami pang iba.

Ang Alamat ng Araw at Gabi ay isang alamat na nais magpaliwanag kung paano nagkaroon ng gabi at araw. Hindi maipaliwanag ng mga sinaunang tao ang maka-agham na dahilan kung paano nagkaroon ng gabi at araw o kung paano kumikilos ang mga bituin, buwab at araw. Ang kuwento na ito ay isang malikhaing pagtatagpi-tagpi ng mga sinaunang kaalaman tungkol sa mga matatagpuang heavenly bodies at kung paano ito kumikilos sa kalangitan.

Ang Alamat ng Ibong Maya ay nagpapakita ng kasipagan ng mga sinaunang tao lalo na ng mga kababaihan. Ang pagtatrabaho ay mahalaga at kung minsan pa nga ay sumusobra na hanggang sa makalimutan na ang mga mas mahahalagang bagay. Makikita sa alamat na ito kung paano ang sobrang pagsisipag ay hindi mabuti, at ang sobrang kalikutan ay ganoon din. Kung kaya dapat laging maging mapagmasid sa mga bagay-bagay.


Ang Alamat ng mga Prutas ay karugtong ng alamat ng saging. Napakaraming prutas at lahat ng mga ito ay mayroong kanya-kaniyang alamat na nabuo para sa kanila. Ngunit kung paano ang unang prutas ay nabuo ay makikita sa alamat na ito. Karaniwan na sa mga alamat na kung ano ang itsura, panagalan, at lugar ng bagay kung saan ito maykinalaman ay nababatay ang kaniyang katawagan.


Ang huling alamat sa bahaging ito ay ang Alamat ng mga Bulaklak. Makikita dito kung paano pinasimulan ng Sampaguita ang pagkakaroon ng alamat para sa ibang bulaklak. Higit dito, makikita kung paano, minsan sa ating buhay ay may mga pangyayaring hindi inaasahan, at dapat muna magsiyasat ng mabuti kaysa bumaling sa mga bulung-bulungan.

Halina at makinig sa inyong guro!


Ikatlong Core Values

Makatao



Sa ikatlong bahagi ng aklat na ito, ang mga alamat na inyong mababasa ay may kinalaman naman sa pagiging makatao ng mga sinaunang Pilipino. Ang pagiging makatao nating mga Pilipino ay kilala sa maraming lugar magpahanggang-ngayon. Kung kaya nga’t tayo ay tinaguriang ‘global citizens’ at tayo ay lubos na kinagigiliwan ng iba’t ibang mga lahi. Makikita sa mga sumusunod na alamat kung ano ang mabubuting ugali na mayroon tayo at ang mga ugali na dapat natin itaboy upang mas lalo pa tayong kagiliwan.


Ang Alamat ng Pinya ay nagpapakita ng ugaling matamad. Ang ugaling ito ni Juan Tamad ay hindi dapat ugaliin ng mga bata. Ang pinag-uutos ng mga magulang ay dapat masunod, at higit sa lahat sumunod muna bago magreklamo.


Ang alamat Alamat ng Saging ay isang kuwento ng pag-ibig. Makikita sa alamat na ito na hindi dapat maging matapobre ang isang tao kung ito ay mahirap. Ang pagiging magalang sa kapwa kung anuman ang naabot nito ay isang masamang ugali na dapat alisin.


Magsumikap ang lahat upang abutin ang pangarap. Ang Alamat ng Duryan ay nagtuturo sa atin na hindi dapat hadlang ang estado sa buhay para umibig. Gayundin na ang itsura ay hindi dapat maging batayan sa pakikipagkaibigan, trabaho, o anu pa mang larangan.

Ang Alamat ng Mangga ay nagpapakita ng katapatan sa pagsasalita. Na ang pagtupad sa usapan ay mahalaga lalo na kung ito ay pinagkasunduan.


Ang Alamat ng Sampaguita ay isang kuwento tungkol sa hiwaga ng buhay sa mundo – mga pangyayaring hindi inaasahan at mayroong matinding kawakasan. Ngunit ika nga hanggang sa kabilang buhay ay dala ang pagmamahalan.


Ang huling kwento sa bahaging ito ay ang Alamat ng Bayabas na nagtuturo na dapat maging makatao ang sinuman sa lahat ng pagkakataon.

Halina at pakinggan ang inyong guro!

Ikaapat na Core Values

Makabansa



Sa ikaapat at huling bahagi ng aklat na ito, ang mga alamat na inyong mababasa ay may kinalaman naman sa pagiging makabansa nating mga Pilipino lalo na sa mga panahong ito. Ang pagiging makabansa nating mga Pilipino ay matagal nang naitala sa kasaysayan mula pa sa panahon ni Lapu-lapu nang hindi niya pahintulan si Magellan kasama ang mga Espanyol na sakupin an gating bansa. Ang pagmamahal na ito ay dumaloy hanggang sa ating panahon sa pamamagitan ng iba’t ibang larangan – sa pagsusulat, paglilingkod sa bayan, at maging pagtatrabaho at mga patimpalak sa ibang bansa.


Ang Alamat ng Pilipinas ay nagsasanaysay kung paano ang ating bansa ay nagsimula. Ang malalking pulo ng bansa – Luzon, Vsayas at Mindanao – ay binigyan ng kuwento ng mga sinauna nating ninuno.


Ang Alamat ng mga Lugar ay karugtong ng Alamat ng Pilipinas at ito ay nagdudulot ng pagmamalasakit sa ating kinalugdang lugar.


Ang Alamat ng Daigdig ay isang kuwento na nagpapakita kung paano nagsimula ang daigdig. Makikita dito ang pagkakaiba ng ugali ng babe at lalake mula noon hanggang ngayon.


Ang Alamat ng Upo ay nagpapakita ng kabutihan ng isang tao na maghangad ng mabubuting bagay at gawa para sa kaniyang bayan. Sa maliit na kakayahan niya, siya ay kumilos sa abot ng kaniyang makakaya.


Ang huling kuwento sa aklat na ito ay ang Alamat ng Buwaya. Ito ay naglalarawan ng pagkaganid ng isang tao sa kayamanan. Ito ay tumatagos lalo higit sa ating bayan kung saan ang korupsyon ay sagad na sa laman ng ilan na nasa puwesto. Makikita sa kuwento na ito kung paano dapat maging mapagmantyag sa bayan, tumulong upang sugpuin ang korupsyon, at dapat na makialam para sa ikauunlad ng bayan.


Halina at making sa inyong guro!


SAMPLE:

1

Alamat ng

Lansones

Sa bayan ng Laguna, isang kwento’y nabuo,

Isang pangyayari nang datnan sila ng tagtuyot.

Mga tao’y nagutom, ngunit walang magawa,

Kumain ng hindi nararapat ang ilan sa kanila.

Sa isang punong hitik, kumpol-kumpol na bunga,

Ang hitik at siksik, liglig sa bawat nitong sanga.

Ilang tao na rin ang nasayang ang buhay

Dahil sa pagkain ng bunga nitong nakamamatay.

Isang araw, nagulat ang mga taong-bayan,

Isang babaing nakaputi ang nakiraan,

Hinahanap ang punong sinasabing may lason,

Sinundan siya ng ilan hanggang makarating doon.

Kumuha ng ilang piraso ang babaing nakaputi

Ng bungang isinumpa, kinaing walang pasubali,

Nalungkot ang mga tao dahil tiyak sila

Na ito na ang huling araw ng babaing matanda.

Nagtanong ang isang bata, “Ano po ang lasa?”

“Masarap at masustansiya!”, sagot ng matanda.

At simula ng araw na iyon, nawala ang tagtuyot,

Nawala na rin ang sumpa na matagal sumalot.


Tanong:

1. Sinu-sino ang tauhan sa kuwento?

2. Nakakita ka na ba ng lansones? Ilarawan mo nga ang itsura, amoy at lasa nito?

3. Sino kaya ang babeng nakaputing misteryosong lumitaw sa bayan?

4. Ano ang kabuluhan ng istorya nito ukol sa pananampalataya?

Gawain:

1. Sumulat ng isang panalangin para sa iyong bayan, pamilya, at sarili. Basahin ito sa klase.

Mga Sanggunian

Segundo D. Matias Jr. (2019). Mga Kuwento at Alamat.

n.a. (2019). Pinoy Collection. https://pinoycollection.com/alamat

Tungkol sa May-Akda




Si ROMEO R. AUSTIN JR, LPT, MAEd ay ang punong manunulat ng Altula. Siya rin ay isang mananaliksik at lisensyadong guro sa Balanga Elementary School sa SDO Balanga City. Siya ay kasalukuyang nag-aaral ng pagkadoctor ng Edukasyon (EdD) sa Bataan Peninsula State University.

 
 
 

コメント


Post: Blog2_Post

Subscribe Form

Thanks for submitting!

  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn

©2019 by Doc Z. Proudly created with Wix.com

bottom of page