Ang Tunguhin ng Edukasyong Pangwika sa Ganap na Pagkatuto ng Pananaliksik
- goodzzz31
- Sep 25, 2020
- 6 min read
Research and Development Article
Reggie O. Cruz, Ed.D.
Abstrak
Ang artikulong ito ay isang pagtalakay ng tunguhing ginagampanan ng mga wika sa pagiging ganap na pagkatuto ng pananaliksik gamit ang pagsusuri ng mga curriculum guide sa pitong asignatura na mula sa tatlong core at limang applied. Ang pagsusuring ito ay nakaangkla sa College Admission Standards na inilahad ng Komisyon ng Mataas na Edukasyon (CHED) sa pamantayan sa pagtanggap sa kolehiyo ng isang nagtapos sa Senior High School.
Ang mga konseptong ito ng pananaliksik at edukasyong pangwika ay binalangkas ni Isagani Cruz (2013) para maging patnubay ng mga guro sa pagplaplano sa pagpapatupad ng kurikulum sa Senior High School.
Susing Salita: Edukasyong Pangwika, Implementasyon ng Kurikulum, Senior High School
Panimula
Ang pagbuo ng pananaliksik sa larangang edukasyon ay maituturing na tunguhin ng lahat ng institusyonal na edukasyon mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DEPED) at ng Komisyon ng Mataas na Edukasyon (CHED). Napakaraming mga palihan at mga komperensiya ang nagsusulputan upang linangin ang kakayahan ng mga guro at propesor sa larangan ng pananaliksik dahilan ng ilang pagbabagong nagagawa ng Internasyonalisasyon.
Higit na nagbabago ang pagtingin sa pananaliksik dahil sa mababang bilang ng nabubuong pananaliksik ng bansang Pilipinas mula sa karatig ng Timog-Silangang Asya at Hilagang Asya (Haddawy, 2010). Lingid sa kaalaman na ang pananaliksik ay naituturo pa lamang sa isang pangkaraniwang mag-aaral sa kanyang pagtuntong sa kolehiyo dahil isa ito sa kanyang pangangailangan upang matamo ang isang digri sa kolehiyo.
Ang ganitong pagkabahala sa kakayahang pananaliksik ay isa ring nais matugunan sa kurikulum sa Senior High School (SHS). Ang mga mag-aaral sa SHS sa huling lebel ng kanyang pag-aaral sa basic education ay mabigyang pansin at tutok ang mga kakayahang pananaliksik gamit ang mga wika. Ang ganitong tunguhin ay maipapakita sa pamamagitan ng pagpapatupad ng relasyong wika sa pananaliksik sa kurikulum ng SHS.
Maipapakita sa palarawang balangkas ang kabuuang prosesong gagawin sa pagsusuri sa pitong Curriculum Guide patungo sa College Admission Standards para sa wikang Ingles at Filipino.
Pangkahalatang Layunin
Ang papel na ito ay pagsusuri ng pitong Curriculum Guide sa SHS patungo sa CHED College Admission Standards upang mabigyan ng isang pagsasalarawan anyo ang transisyon ng kurikulum. Ang mga sumusunod na tanong ay sasagutin sa pagsusuri:
Tiyak na mga Paglalahad ng Layunin
1. Ano ang tunguhing naihahatid ng wikang Filipino sa kakayahang pananaliksik ng mga mag-aaral sa dalawang core subject at isang applied subject?
· Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino
· Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
· Filipino sa Piling Larang
2. Ano ang tunguhing naihahatid ng wikang Ingles sa kakayahang pananaliksik ng mga mag-aaral sa core at applied subject nito?
· Reading and Writing
· English for Academic and Professional Purposes
3. Paano nakakatulong ang dalawang wika sa kakayahang pananaliksik ng mga mag-aaral sa tatlong applied subject?
· Practical Research 1
· Practical Research 2
· Inquiries, Investigation and Immersion
4. Ano-ano ang implikasyon nito ang ginawang pagsusuri sa Kurikulum sa Senior High School at sa Educational Management?
Pagtalakay
Ang mga sumusunod ay pagtalakay sa mga nasuring Curriculum Guides ng Ingles at Filipino, gayundin ang pagsusuri ng mga asignatura sa pananaliksik.
Ang Dalawang Core Subject sa Filipino
Ang dalawang core subject sa Filipino at isang applied ay may oryentasyong pananaliksik. Ang Filipino bilang isang larangan ay kinakailangang mapataas ang karunungan nito sa pamamagitan ng pag-angat din sa gawaing akademiko ng mga mag-aaral. Ang awtput ng dalawang asignatura ay may anyong spiral panimulang pananaliksik sa una at papel-pananaliksik sa pangalawa.
Ang Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino ay tumutuon sa pag-aaral sa wika at kultura. Ang mga kaalaman sa mga konsepto tungkol sa wika at kultura ay magiging batayang upang makapagsagawa ng panimulang pananaliksik sa mga isyu tungkol sa kultura at wika ng mga mag-aaral. Ang pananaliksik sa bahaging ito ay ginamit na tawiran upang mas mapalalim ang mga konsepto tungkol sa wika at kulturang Filipino.
Ang Filipino sa Piling Larang ay may apat na sangay na patungkol sa Akademiko, TechVoc, Sining at Disenyo at Isports. Ang mga ito ay may isang kompetensi sa pagsasagawa ng introduksyon sa pananaliksik upang mas mapalalim pa ang karanasan sa kanilang trak na kinabibilangan.
Ang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik ay isang ganap na pananaliksik ang gagawin ngunit kinakailagan munang pag-aralan ang iba’t ibang teksto upang mailantad ang iba’t ibang babasahin upang malimi ang akmang gagamiting teksto sa isasagawang pananaliksik. Ang Papel-pananaliksik ay isang persepsiyon na pag-aaral na tumutungkol sa isyung kinakaharap ng pamayanan o ng bansa.
Ang tatlong asignaturang ito ay maituturing na spiral sapagkat may preparasyon ang mag-aaral sa pananaliksik bago ang mas malalim na paghukay ng pundamental na kaalaman sa pananaliksik gamit ang wikang Filipino.
Ang Isang Core at Applied na Subject sa Ingles
Ang Reading and Writing ay isang explorasyon ng pagbabasa at pagsusulat sa iba’t ibang sitwasyon a transakyon samantala ang English for Academic and Professional Purposes ay pagsasanay sa mga mag-aaral sa pagsusulat ng akademikong teksto tungo sa paggawa ng isang ulat-sarbey.
Ang dalawang asignatura ay nagpapakita ng integratibong pagtuturo ng pananaliksik sa ilang aralin sa dalawang asignatura. Napansin ng mananaliksik na ang pananaliksik ay palagiang nilalagay sa hulihang bahagi ng mga aralin. Laging nagsisimula ang lahat ng pagsusulat ng akademikong pananaliksik sa pagbabasa. Ang ugnayang ito ay makikita rin sa wikang Filipino. Tinuturing isang aplikasyon na gawain sa pananaliksik buhat sa mga nababatid ng mga mag-aaral.
Ugnayan ng Dalawang Wika sa Tatlong Asignatura sa Pananaliksik sa SHS
Ang Practical Research 1, 2 at Inquiries, Investigations at Immersion ay mga asignatura na spiral, repetisyon na proseso at may antas ng kahirapan – Ang Practical Research 1 ay pundamental na pagtuturo ng Kwalitatibong Pananaliksik samantalang ang Practical Reseach 2 ay pundamental na pagututuro ng Kwantitatibong pananaliksik. Ang Inquiries, Investigations at Immersion ay maaring gamitin ang dalawa o isang uri ng pananaliksik at maituturing na kulminasyon ng lahat ng natutunang pananaliksik mula sa Baitang 11. Ang ugnayan ng dalawang wika sa tatlong asignatura sa pananaliksik ay ipapakita sa palarawang balangkas.
Ang ugnayan ng mga wika at pananaliksik ay sadyang napakahalaga sa tunguhin nitong mabigyan ng pundasyon ang mga mag-aaral sa karunungan at kasanayan sa pagsusulat ng pananaliksik. Ang Filipino bilang isang pantulong na wika sa paghahatid ng mga karunungan sa pananaliksik at Ang Ingles bilang pantulong ding wika sa paghahatid ng mga karunungan sa pananaliksik at sa pagsusulat nito.
Ang College Admission Standards ng CHED sa English at Filipino
Ang Bahaging Effective Writing ng wikang English sa College Admission Standards ay kinakailangang makapagsulat ng papel-pananaliksik na may isang libong salita na may kaangkupang dokyumentasyon sa lahat ng nakalap na sanggunian.
Samantalang sa Filipino naman ay makapagsulat ng limang pahinang papel-pananaliksik na ipinapakita ang kritikal na pag-iisip sa mga kontemporaryong isyu.
Ang ganitong standards ay matatamo sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa SHS kung mabibigyan ng buhay ang kurikululum ng mga tagapagtupad nito. Ang hangarin na maging matagumpay ang kurikulum upang matamo ang kompetensiyang kinakailangan ng mag-aaral ay nakasalalay sa tulong ng lahat – administrador, guro, mag-aaral, magulang at komunidad. Ang katuparan ng realisasyong maging research-oriented ang mga mag-aaral ay matutupad kung ang hangarin ay mapabuti ang pamayanan sa pamamagitan ng pananaliksik.
Implikasyon ng Ginawang Pagsusuri sa Kurikulum ng SHS at sa Educational Management
Ang Kurikulum ng SHS ay sadyang impresibo. Ang bawat isa ay magkaugnay tungo sa produktibong pag-unlad ng isang nagtapos sa K+12 ng DEPEd. Ang kurikulum mula sa pagtalakay ay nagpapakita ng tulong ng kurikulum sa pagpapatupad ng hangaring may oryentasyong pananaliksik ang bawat isa para sa kalidad ng buhay.
Samantala, napakalaking tulong ng ginawang pagsusuri upang mapatatag ang educational management pagdating sa instruksyon. Mapakapag-isip ang isang administrador sa alinmang edukasyong institusyon ng mga gawaing lalong magpapatatag sa edukasyong pangwika at pananaliksik sa SHS. Ang ganitong gawain ng namumuno sa paaralan ay bahagi ng trabahong pamahalaanan ang instruksyon at mapatatag ito.
Ang pagplaplanong debelopmental ay isa rin magandang integratibo sa ginawang pananaliksik upang makapagpasyang gawing matatag ang pananaliksik sa paaralan gamit ang mga wika bilang pundasyon. Ang ganitong pagkakataon ay malaking tulong din sa pagsasabuhay ng kurikulum sa bansa at matugunan ang pangangailangang internasyonal.
About the Author

REGGIE OCEŇA CRUZ, L.P.T., M.A.Ed., Ed.D., D.Hum. Angeles City, Philippines
CAREER OBJECTIVE To passionately commit myself to the development of students learning and experience thru sharing my field of expertise and skills that will contribute to the success of the organization.
EDUCATIONAL BACKGROUND
Doctor of Philosophy Major in Filipino Language
Lyceum Northwestern University
2020 – Present
Doctor of Education Major in Educational Management
Tarlac State University
Dissertation Title: Transcendental Leadership & Strategic Planning Capabilities among Administrators of Colleges of Education Institutions in Region III: Basis for Administrative Development Plan
2013 – 2016
Master of Arts in Education Major in Filipino
Angeles University Foundation
2006-2008, 2012-2013
Thesis Title: Pagsusuri sa mga Piling Tulang Kapampangan: Implikasyon sa Pagtuturo ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino
Bachelor of Secondary Education Major in Filipino HOLY ANGEL UNIVERSITY Angeles City 2002-2006
Kommentare